DILG: Metro Manila LGUs muling maghahanap ng quarantine passes sa two-week ECQ
Kinakailangan na magpakita muli ng quarantine pass ang mga residente ng Metro Manila kung sila ay lalabas ng kanilang bahay sa pag-iral ng enhanced community quarantine (ECQ) ng dalawang linggo simula sa darating na Biyernes, Agosto 6.
Ito ang sinabi ni Interior Usec. Jonathan Malaya at aniya maglalabas ng pahayag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang Metro Manila Council (MMC) ukol sa paggamit muli ng quarantine pass.
Ayon pa kay Malaya kasabay din nito ang ilalabas na pahayag ukol sa unified curfew hours at liquor ban.
Sinabi pa ng tagapagsalita ng DILG na ang paggamit muli ng quarantine pass ay utos ng kagawaran.
“Naabisuhan na ang DILG ng mga LGUs na ibabalik nila yung mga quarantine passes para maging maayos yung paglabas ng ating mga kababayan para magpabakuna, para pumunta sa tindahan para bumili ng pagkain, o kaya naman pumunta sa pharmacy para bumili ng gamot,” sabi ni Malaya.
Una naman nang sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na ang paggamit ng quarantine pass ay diskresyon na ng lokal na pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.