Panukalang maging mandatory ang pagpapaturok ng COVID 19 vaccine pinaaapura sa Kamara
Iginiit ni Cavite Representative Elpidio Barzaga na talakayin na ng House Committee on Health ang kanyang panukala na gawin nang mandatory ang pagbabakuna kontra COVID-19.
Ito’y sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Delta variant na dahilan ng panibagong lockdown sa susunod na linggo.
Layon ng House Bill 9252 ni Barzaga na amyendahan ang Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 para gawing sapilitan ang pagbabakuna para sa mga Pilipinong ‘eligible’ na makakuha ng COVID-19 vaccination na siyang tinukoy ng Department of Health (DOH).
Nababahala ang kongresista na hindi maipasa ang bill kung hindi agad maisasalang sa pagdinig dahil magsisimula na ang panahon ng eleksyon.
Umaasa ang mambabatas na maaprubahan ito bago matapos ang 18th Congress dahil kailangan aniya ng radikal na hakbang ng bansa para labanan ang pangamba at takot sa bakuna.
Naniniwala ni Barzaga na magiging problema ang pagiging mapili ng mga tao sa bakuna sa pandemic response ng gobyerno lalo na kapag dumating ang marami pang COVID 19 vaccines.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.