Sino kaya ang isusunod nila?
Ito ang tanong ni Sen. Leila de Lima kaugnay sa pagkamatay ni convicted drug lord Vicente Sy sa loob ng National Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Ayon kay de Lima, sa pagtestigo ni Sy sa kinahaharap niyang kaso, inamin nito na wala siyang personal na nalalaman ukol sa mga ibinibintang sa kanya at hindi rin siya binigyan ng pera nito.
Pagdidiin ni de Lima, wala siyang sama ng loob kay Sy at nakikisimpatiya siya sa mga naulila nito.
“At least, he didn’t lie about not knowing me and not giving me money. His sin against me, if any, pales in comparison to the sin of those who used him and his fellow inmates to bring down an innocent woman and public servant,” sabi pa nito.
Aniya sa kanyang mahigit apat na taon na pagkakakulong, hindi nawawala ang kanyang pagdududa na ang mga inihaharap na testigo sa kanya ay tinakot, sinuhulan at pinagbantaan para magsinungaling sa pagsangkot sa kanya sa illegal drug trading sa loob ng pambansang piitan.
Binanggit nito, pangalawa na si Sy sa mga namatay na tumestigo laban sa kanya ay una na si Jaybee Sebastian na ang pagkamatay ay nananatiling misteryo pa rin bagamat sinabi na namatay ito dahil sa COVID 19.
Namatay noong nakaraang linggo si Sy dahil sa atake sa puso, ilang araw matapos ma-stroke, ayon sa Bureau of Corrections.