Ngayon matindi ang banta dulot ng Delta variant ng COVID 19, iginiit ni House Speaker Lord Allan Velasco ang pangangailangan upang maisabatas ang Bayanihan 3 sa lalong madaling panahon.
Dagdag katuwiran pa ni Velasco ang banta ang nagtulak sa muling pagpapairal Enhanced Community Quarantine o ECQ sa National Capital Region o NCR simula sa darating na Biyernes, Agosto 6.
Ayon pa kay Velasco, nauunawaan niya ang naturang hakbang ng gobyerno upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng Delta variant.
Ang publiko naman aniya ay dapat na maging “vigilant” at patuloy na sumunod sa health standards upang hindi mahirapan ang health care system.
Sabi ni Velasco, dahil ipatutupad ang mas mahigpit na quarantine status, iginiit ni Velasco na dapat nang magkaroon ng Bayanihan 3 na layong magbigay ng dagdag-ayuda sa mga taong apektado ng ECQ.
sa ilalim ng Bayanihan 3 ay mayroong P30 billion na isinusulong na pondo para sa cash grant sa mga household o mga pamilyang masasakop ng ECQ.
Umaasa naman ang lider ng Kamara na kikilos na ang Senado at ipapasa ang Bayanihan 3, para ang economic managers ng Malakanyang ay makatukoy na ng pondo para sa panukala, lalo’t kailangang makahanap ng balanse sa pagitan ng pagtitiyak ng kaligtasan ng publiko habang sinisiguro na maibibigay ang kanilang pangangailangan.