ECQ sa Metro Manila panlaban sa COVID-19 Delta variant ayon kay Senador Bong Go
Nanigurado lamang si Pangulong Rodrigo Duterte na ligtas sa COVID-19 Delta variant ang publiko kung kaya ipatutupad ang enhanced community quarantine sa Metro Manila mula Augst 6 hanggang 20, 2021.
Ayon kay Senador Bong Go, preventive response ito ng pamahalaan laban sa Delta variant.
“Ako naman, bilang Senador, tinitingnan ko syempre ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino at sang-ayon po ako sa karamihan na ayaw na nila ng lockdown pero siyempre po, naninigurado lang po ang ating IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases) ngayon dahil meron silang nakikitang apoy na gusto nilang patayin,” pahayag ni Go.
Umaapela si Go na maintindihan sana ng publiko ang ginawang paghihigpit ng pamahalaan.
“Ang kinatatakutan nila, ‘yung nangyari sa Indonesia, ‘yung daily cases sa Indonesia na ‘di nila nakontrol, ‘yun ang ayaw nating mangyari dito sa ating bansa at sayang ang inumpisahan nating pagbabakuna sa ngayon dahil ang ganda na ng momentum natin sa pagbabakuna,” pahayag ng Senador.
Kasabay nito, humihirit si Go sa sangay ng ehekutibo na tiyaking may ayudang matatanggap ang mga apektadong residente.
“Ito naman po ako bilang Senador ay nananawagan po ako sa executive department na kung saka-sakaling matuloy na po ang ECQ ay siguraduhin po nilang may maibigay po sa mahihirap,” dagdag ni Go.
“Sila naman ang apektado dito, ang mga ‘isang kahig, isang tuka’, talagang walang matakbuhan. Ito ang mga umaasa pong lumabas at magtrabaho araw-araw, sila po ang pinakaapektado dito,” pahayag ng Senador.
May ginagawa na aniyang hakbang ang Department of Budget and Management para maayudahan ang mga apektadong residente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.