LOOK: Tugade, pinangunahan ang inspeksyon sa bagong runway at pasilidad ng Bicol International Airport
Pinangunahan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang ginawang inspeksyon sa bagong runway at pasilidad ng Bicol International Airport sa araw ng Biyernes, July 30, 2021.
Mula sa Maynila, naging matagumpay ang pangako nitong paglapag sa Bicol International Airport sa Albay, tapos man o hindi ang konstruksyon ng naturang proyekto.
Sakay ng Gulfstream 150, nakalapag ang kalihim sa BIA runway pasado 8:00 ng umaga.
“As promised, I landed at the newly constructed runway of the Bicol International Airport in Daraga, Albay!,” saad ni Tugade.
Layon din ng aktibidad na ipakitang tuluy-tuloy ang pagsasagawa sa naturang proyekto upang maabot ang target completion sa September 2021.
Personal ding inalam ng kalihim ang progreso sa paliparan na ngayon ay may 90 porsyentong completion rate.
Siniyasat din ng kalihim at iba pang opisyal ang runway lights, arrival area, check-in counters, at pre-departure area ng paliparan.
Sa ating tuluy-tuloy na pagsisikap kasama ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), sa kabila ng pandemya, magiging technically operational na for day operations ang Bicol International Airport pagdating ng Oktubre.”
Tiwala si Tugade na matatapos ang airport project sa itinakdang oras.
“Alam niyo ‘ho ba kaninang magla-landing kami at pinipilit nila na ipakita sa akin ‘yung runway, nagpalakpakan ‘ho lahat ‘yung mga kasama ko, na kung saan ‘yung palakpak na ‘yun, hindi lang ‘ho tumayo ‘yung balahibo ko – lumuha ako,” ayon sa kalihim.
Dagdag nito, “Alam niyo ‘ho kung bakit? Marami ‘ho kaming dinaanan na problema at difficulties dito. Nagkaroon ng sunog dito – nasunog ‘yung equipment sa construction. Nagkaroon ‘ho ako ng Congressional hearing, alam ni Congressman Garbin ‘yan, na kung saan ako’y pinatawag at pinag-eksplika. Ang lagi ko lang sinasabi: ‘Bayaan niyo lang ‘ho kami magtrabaho – gagawin at gagawin namin ‘yan. 25 years ago pa po ito pinagpaplanuhan at hinihintay ng ating mga kababayang Bicolano. At ngayon, sa wakas ay matatapos na.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.