Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na maaapektuhan ang isinasagawang voter’s registration ng dalawang linggong pag-iral ng enhanced community quarantine (ECQ) simula sa Agosto 6.
Iiral ang ECQ hanggang Agosto 21 sa ilang lalawigan sa bansa, kabilang na ang Metro Manila.
“The return of NCR to a state of ECQ will undoubtedly have an impact on voter registration numbers,” sabi ni Dir. James Jimenez, ang tagapagsalita ng Comelec.
Binanggit lang nito na sa ngayon ay lumagpas na sila sa itinakda nilang target ng bilang ng mga magpapa-rehistro sa kabila ng pandemya.
Sinabi ni Jimenez na higit apat na milyong bagong botante na ang nagpa-rehistro at ang mga ito ay kabilang na sa mga makakaboto sa 2022 national and local elections.
Aniya ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno ngayon nagpapatuloy ang pandemya ay para rin sa kaligtasan ng mamamayan.
Pagtitiyak nito kapag binawi na ng gobyerno ang pinakamahigpit na quarantine restriction ay itutuloy nila ang pagpaparehistro sa mga bagong botante at ito ay hanggang sa Setyembre 30.