Pagkamatay ng convicted drug lord walang epekto sa kaso ni Sen. de Lima – DOJ chief

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi maapektuhan ang prosekusyon sa mga kasong kriminal na kinahaharap ni Senator Leila de Lima ng pagkamatay ng isa sa mga testigo laban sa kanya.

Ayon kay Guevarra naiharap na bilang testigo at natanong na rin ng panig ng depensa ang convicted drug lord na si Vicente Sy, na namatay sa loob ng National Bilibid Prison sa Muntinlupa City kahapon.

Kabilang si Sy sa persons deprived of liberty (PDLs) na tumestigo laban kay de Lima at pangalawa na sa mga namatay.

Sinampahan ng mga kasong kriminal si de Lima dahil sangkot diumano ito sa illegal drug trading sa loob ng pambansang piitan.

Una nang inihayag ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagkamatay ni Sy sa NBI Hospital matapos itong ma-stroke.

Sinabi ni BuCor Dep. Dir. Gabby Chaclag hinihintay na lang na mailipat sa Ospital ng Muntinlupa si Sy nang atakehin ito sa puso dakong alas-8 kagabi.

Sasailalim aniya sa awtopsiya ang bangkay ni Sy dahil bahagi ito ng proseso.

Read more...