Pinasalamatan ng mga Metro Manila mayors ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa paglalagay sa National Capital Region (NCR) sa enhanced community quarantine (ECQ) simula Agosto 6 hanggang 20.
Bukod pa dito ang pagpapairal ng general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions simula ngayon araw hanggang Agosto 5.
Una nang hiniling ng Metro Manila Council, na binubuo ng 17 alkalde ng Kalakhang Maynila, sa IATF na muling ipatupad ang ECQ dahil sa patuloy na paglobo muli ng mga tinatamaan ng COVID 19.
Kabilang din sa ikinatuwiran ng konseho ang pangamba na dumami ang kaso ng Delta variant ng COVID 19.
Sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na ngayon gabi ay magpupulong ang MMC para pag-usapan ang maaring gawing hakbang para maging matagumpay ang layon ng dalawang linggong pag-iral ng ECQ.
Dagdag pa ni Abalos, sa bahagi ng mga alkalde, dapat ay pabilisin pa nila ang vaccination programs para dumami ng husto ang nabibigyang proteksyon kontra COVID 19 base sa natatanggap nilang mga bakuna.