Ilang oras bago ang pormal na pagreretiro ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang, kinumpirma sa Philippine Daily Inquirer ng ilang ‘sources’ na si Army Commander Lt Gen. Hernando Iriberri na ang papalit sa kaniya.
Katunayan, marami na umanong text messages ng pagbati kay Iriberri.
Isang retiradong heneral naman ang nakausap ng Inquirer at sinabing hindi normal ang hindi agad pag-aanunsyo ng Malakanyang ng hihiranging AFP Chief of Staff.
Kadalasan kasi, gabi bago ang magaganap na ‘changed of command’ naihahayag na ng Malakanyang o ng Department of National Defense (DND) ang bagong military chief.
Nakumpirma lamang na si Iriberri nga ang papalit kay Catapang nang dumating na ito sa venue kung saan ginawa ang change of command.
Si Iriberri ang ikalawang AFP Chief of Staff na mula sa Mindanao dahil siya ay tubong Surigao del Sur.
Ang kauna-unahang Mindanaoan AFP Chief ay si retired General Alexander Yano na tubong Zamboanga del Norte naman.
Si Iriberri ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1983. Nakatakda itong magretiro sa April 22, 2016. / Dona Dominguez-Cargullo