Parusa sa pamemeke ng medical certificates, results nais pabigatin ni Sen. Dick Gordon
Naghain ng panukalang batas si Senator Richard ‘Dick’ Gordon na layon pabigatin ang parusa sa mga mamemeke ng medical certificates at results sa tuwing may national health emergency.
Kasama din sa Senate Bill 2315 ang pagpaparusa sa vaccination card.
Sa panukala, ang doktor na mapapatunayang nameke ng mga nabanggit na medical documents ay pagmumultahin ng P250,000 mula sa P200,000 at pagkakakulong na hanggang aresto mayor.
Ayon pa kay Gordon, kung ang pamemeke ay ginawa ng isang grupo na binubuo ng mula hanggang tatlong tao, sila ay maaring makulong hanggang prison correctional at pagmumultahin ng hanggang P1 milyon.
Binanggit ng senador ang mga nahuli na sa pamemeke ng pekeng COVID-19 test results, sa Caloocan City noong Hulyo 24, 2020 at anim na turista sa Boracay Island noong nakaraang Disyembre 6.
Sinundan pa ito ng pagkakahuli ng lima sa Davao airport dahil din sa pekeng test results at ang pagsalakay sa isang klinika sa Valenzuela City at pagkakahuli ng isang doktor na nagbibigay ng pekeng test results.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.