Naaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang miyembro ng Yakuza syndicate, na nahaharap sa kasong murder.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, nahuli ng mga elemento ng BI Fugitive Search Unit (FSU) si Toyama Yuji, 58-anyos, sa bahagi ng Roxas Boulevard sa Mayila.
Naglabas aniya siya ng mission order para sa pag-aresto kay Toyama matapos ipagbigay-alam ng Japanese authorities ang mga kaso nito.
Base sa records, overstaying at undocumented alien na ang dayuhan.
“We received information about his crimes last week, and we immediately conducted a manhunt to locate and arrest him,” pahayag ni Morente.
Dagdag nito, “He will be deported for being an undesirable, overstaying and undocumented alien, and his name will be included in our blacklist to prevent him from re-entering the country.”
Ayon sa Japanese authorities, si Toyama ay executive member umano ng Komura Kai Sagamihara Branch, na konektado sa Kyokuto Kai wing ng Yakuza syndicate.
Inilabas ng Japanese ang arrest warrant laban sa kanya dahil sa pagpatay sa isang kababayan 20 taon na ang nakakalipas.
Nakipagsabwatan umano si Toyama sa limang iba pa sa marahas na pagbaril sa biktima bago dinala ang bangkay sa Sagamihara City saka inilibing at iniwan na lamang.
Inilarawan ng Japanese authorities ang pugante bilang bayolente, armado at mapanganib.
Sa ngayon, nakakulong si Toyama sa BI Warden Facility Sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportation nito.