Sa State of the Nation Address, sinabi ng Pangulo na sinisante na niya ang 43 personnel ng BI bagay na pinabulaanan ni Justice Secretary Menardo Guevarra at sinabing nakabalik na nga sa trabaho ang mga ito.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw ang mensahe ng Pangulo.
Utos aniya ito sa Department of Justice at Bureau of Immigration na sisantihin ang mga 43 personnel sa lalong madaling panahon.
Hindi kasi aniya katatanggap-tanggap ang ‘Pastillas scheme’ at dapat na masibak sa puwesto ang mga tiwaling tauhan ng BI.
“Siguro po, obvious ang sagot at hindi po siguro alam ni Presidente, hindi pa sila nasisisante; ang alam lang niya, nasuspinde. Pero siguro po ang epekto ng kanyang mga binitawang salita, iyan po ay mandato sa DOJ, sa CID gawin ninyo ang lahat para masisante iyan sa lalong mabilis na panahon. Hindi po katanggap-tanggap iyong ginawa nilang pastillas scheme; kinakailangan po talaga sibakin sila,” pahayag ni Roque.
Kaya tinawag na ‘Pastillas scheme’ ang suhulan sa BI personnel dahil nirorolyo ang perang suhol na kapareho ng pastillas.