Mula sa -6% sa nakalipas na tatlong linggo, umangat sa 19% ang growth rate o bilis ng pagdami ng COVID 19 cases sa Metro Manila.
Ito, ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, ang dahilan kayat hiniling ng Metro Manila mayors na bigyan sila ng gobyerno ng apat na milyong doses ng COVID 19 vaccines para mapigilan pa ang posibleng pagkalat ng mas mapanganib na Delta variant.
Idinagdag pa ni Abalos na nagkasundo din ang 17 mayors sa Kalakhang Maynila na mahigpit na ipatupad ang Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate strategy.
Aniya kung may sapat din naman na pondo ang pambansang gobyerno para sa Social Amelioration Program (SAP) papayag sila na magkaoron ng lockdown hanggang dalawang linggo.
Nangako din aniya ang mga alkalde na ituturok sa pangkalahatang populasyon sa dalawang linggo ang magiging bahagi nila sa ibibigay na apat na milyong doses.
Araw-araw na rin magpupulong ang mga alkalde para ibahagi ang ginagawa nilang ‘assessment’ sa sitwasyon sa kanilang lugar.