51 pulis-QC na nagpositibo sa COVID-19, walang contact sa publiko – QC LGU
Kasunod ng masusing imbestigasyon, inihayag ng Quezon City government na walang close contact sa ibang indibiduwal ang 51 COVID-positive police officers na nai-deploy sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 26.
Nakatalaga ang mga apektadong pulis sa Police Station 3 (Talipapa).
Ayon kay QCPD at Police Station 3 Commander Lt. Col. Cristine Tabdi, nakatalaga ang mga naturang pulis bilang route security at hindi direktang nakasalamuha ang mga raliyista.
Tiniyak ni Tabdi na hindi mahihinto ang operasyon ng Station 3, at Community Precincts 1 at 2 dahil may itinayong outdoor reception area para makatanggap ng mga reklamo.
Base sa record, sa 82 pulis mula sa Station 3 PCP 1 at PCP 2 na tinamaan ng nakakhawang sakit, 74 rito ay uniformed personnel, apat ang civilian employees at apat ang police aides.
54 naman sa 84 pulis o 66 porsyento ang residente ng Quezon City, habang 34 porsyento ang hindi.
Nakita rin sa record na 57 sa mga pulis ang fully vaccinated na, dalawa ang nakatanggap ng unang dose at 23 ang hindi pa nababakunahan.
Dinala ang 82 uniformed at non-uniformed personnel sa HOPE quarantine facilities sa nasabing lungsod.
Pansamantala namang hahalili sa mga apektadong pulis ang 82 pulis mula sa district mobile force batallion ng Camp Karingal.
Samantala, nasa 102 pulis at non-uniformed personnel sa Station 3 ang nakatakdang sumailalim sa re-swabbing matapos ang isang linggo.
42 rito ang tinukoy bilang close contacts ng mga kumpirmadong kaso at sasailalim sila sa isolation sa isang quarantine facility sa Camp Karingal habang hinihintay ang swab test.
Ang nalalabi namang 60 pulis na hindi nagkaroon ng exposure ay magpapatuloy sa kanilang tungkulin sa istasyon ngunit hindi papayagang umalis o umuwi habang wala pa ang resulta.
“Ito ang paraan natin para masiguro na hindi kakalat ang virus. Nagpapasalamat tayo sa Quezon City Government sa kanilang maagap na testing sa ating hanay at ang mabilis na pagtugon sa mga natuklasang kinapitan ng Covid-19,” pahayag ni Col. Ferdinand Navarro, QCPD Deputy Director for Administration.
Magbibigay naman ang QC LGU ng pagkain sa 220 persons under police custody (PUPC) sa Station3, PCP1 at PCP2 sa loob ng 10 araw.
Pansamantala munang ipagbabawal ang pagtanggap ng bisita.
Sasailalim din ang mga PUPC sa contact tracing upang malaman kung nagkaroon ng exposure sa kanilang mga bisita.
Hinikayat naman ang mga pamilya o bisita ng PUPCs na mag-avail ng electronic Dalaw (e-Dalaw) program.
Magsasagawa ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ng disinfection at decontamination procedures sa istasyon at community precincts.
Ipinag-utos din ni Mayor Joy Belmonte ang agarang pagbabakuna sa nalalabing 536 commissioned at non-commissioned police officers at non-uniformed personnel sa Quezon City Police District.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.