Nagsalita na ang mga siyentipiko at dapat makinig ang gobyerno.
Sinabi ito ni Senate Presidente Pro Tempore Ralph Recto kaugnay sa mga rekomendasyon na magpatupad muli ng mahigpit na lockdown bunga ng banta ng Delta variant ng COVID 19.
Ngunit pagdidiin ni Recto kung magkakaroon ng lockdown, siguraduhin lang na may maibibigay na ayuda.
“Just be mindful that if lockdown is the cure, then like any medicine, an overdose can be lethal. It is all about the right dosage and duration. It should go with ayuda, which is a good painkiller,” sabi nito.
Sinabi pa niya na kahit anong gamot ay kinakailangan na masabayan ng panlaman sa sikmura.
Ayon pa kay Recto, kailangan lang din na tiyakin ng gobyerno na ang iaabot na tulong ay mararamdaman ng lahat at aniya kailangan din na pag-isipan ng husto ang pagpapatupad ng checkpoints.
Pagdidiin pa ng senador kailangan din na malinaw na maipaliwanag ng Malakanyang sa sambayanan ang gagawing hakbang sa mas maagang oras para pamunuan nito ang bansa sa pakikipagharap sa pandemya.