Ilang kongresista, umaasang mapapalakas ang larangan ng sports sa bansa

AFP photo

Umaasa ang ilang mambabatas na mas mapapalakas at mapapabuti na ang larangan ng sports sa Pilipinas.

Ito ay kasunod ng tagumpay ni Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pilipino na nagkamamit ng gintong medalya mula sa Olympics.

Ayon kay Ang Probinsyano Party List Rep. Ronnie Ong, ang Olympic victory ni Diaz ay maging daan sana para mas ma-engganyo ang mga kabataan na sumabak sa sports at magkaroon na “healthy life.”

Pero higit sa lahat, sinabi ni Ong na ang pagkapanalo ni Diaz ay magsilbi sanang inspirasyon sa sport policy markers sa bansa na magsumikap pa nang husto upang matulungan at mapaghusay ang mga atletang Pinoy na sa hinaharap ay maaaring magdala ng mas marami pang Olympic gold medals para sa Pilipinas.

Sa panig naman ni PBA Rep. Jericho Nograles, ang tagumpay ni Diaz ay patunay na kayang-kaya ng mga Pilipino.

Pinuri rin ni Nograles ang buong team ni Diaz — mula trainers hanggang conditioning coaches, at kahit mga tagasuporta at mahal sa buhay na tumulong sa Pinay weightlifter champion.

Dagdag ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, sadyang kabilib-bilib ang pagkamit ng gintong medalya ni Diaz matapos talunin ang atleta ng China, at maaalalang isinangkot pa sa “Oust Duterte matrix” habang humihingi ng suporta para sa mga atletang Pilipino.

Read more...