Nailigtas ng Philippine Coast Guard Station Surigao del Norte ang 26 pasahero at tatlong crew members ng tumaob na bangka sa Socorro, Surigao del Norte araw ng Sabado, July 24.
Dakong 12:10 ng tanghali nang makatanggap ang Coast Guard Sub-Station Claver ng impormasyon mula kay PSMS Jeff Felix, miyembro ng PNP-Maritime Group, na may isang bangka na tumaob sa bahagi ng Bucas Grande Island.
Agad nagkasa ng search and rescue (SAR) sakay ng Mbca Marian at kalaunan ay sinundadn ng Mbca Zac Greggor.
Sa kasagsagan ng operasyon, nakatanggap ang Coast Guard Sub-Station Soccoro ng impormasyon mula sa isang Ronito Tiguis-Tiguis, Barangay Chairman ng Barangay Doña Helene ukol sa lokasyon ng bangka.
Bandang 2:18 ng hapon, dumating ang SAR teams at nakita ang bangka sa karagatang-sakop ng Kantico Pt. sa Barangay Doña Helene.
Agad namang binigyan ng tulong ang mga pasahero at inilipat sa Mbca Zac Greggor patungo sa Port of Hayanggabon.
Lahat ng pasahero at crew members ay nasa maayos na kondisyon.