Hiling ni Go ang tagumpay at kaligtasan para sa mga atletang sasabak sa Olympics.
“Ang sports po ay isang paraan para magkaisa tayo at maipagmalaki ang galing ng kapwa nating Pilipino. Umaasa po tayo na maging matagumpay ang ating mga atleta na sasabak sa Olympics. Higit sa lahat, sana ay maging ligtas sila lalo na laban sa anumang sakit,” ani Go.
Ayon kay Go na siya ring chairperson ng Senate Committee on Sports, kumpiyansa siyang magiging maganda ang performance ng mga atleta ng bansa.
“Ako, ine-expect ko na makakuha tayo ng ginto. Meron tayong ipinadalang 19 athletes sa Olympics at lima naman para sa Paralympics,” ani Go.
Hiling ni Go ang tagumpay para sa lahat ng atleta at makapaguwi ng inaasam na gintong medalya.
Kasabay nito, kinilala ni Go ang dedikasyon ng mga atleta sa pagbibigay ng pride sa bansa.
Tiniyak ni Go na patuloy na isusulong ang kapakanan ng mga atleta lalo ngayong may pandemya.
“Isang malaking karangalan na po ang mapabilang sa 24 na atleta na nagre-representa sa bansa sa Olympics at Paralympics. Kaya naman, manalo o matalo, saludo ako sa atletang Pilipino,” dagdag ni Go.
Kasunod ng hiling ng Philippine Sports Commission na ipinadaan sa tanggapan ni Go ay inaprubahan ng Office of the President ang dagdag na allowance sa mga atletang na sasabak sa Olympics at Paralympics.
Dagdag na P100,000 na allowance ang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang token na din sa mga atleta.
Bago ito ay may allowances at provisions na ibinigay sa mga atleta at coaches kabilang ang US$1,000 bawat isa, suplay ng competition equipment at uniforms, plane tickets, billeting, at delegation uniforms.
Tiniyak ni Go na naglaan ng sapat na pondo sa ilalim ng budget ng PSC para masuportahan ang mga atleta sa kanilang ginawang paghahanda sa Olympics at iba pang international events.
Isinulong din ni Go ang dagdag na P100 milyon sa 2021 budget na kalaunan ay itinaas sa P250 milyon sa ilalim ng PSC para sa paghahanda sa Olympics.
Sa Paralympics naman, sinuportagan ni Go ang alokasyon ng dagdag na P7.945 milyon na budget para sa preparasyon.
Umapela din si Go sa pamahalaan na isama ang Filipino athletes at iba pang delegado sa Olympics sa priority list para COVID-19 vaccination na kalaunan ay inaprubahan naman ng IATF.
Kamakailan, hinikayat ni Go ang mga batang Filipino athletes na lumahok sa National Academy of Sports Annual Search for Competent, Exceptional, Notable and Talented Student-Athlete Scholars (NASCENT SAS). Ang deadline ng pagsusumite ng aplikasyon ay pinalawig pa hanggang July 31.
Isinulong din ni Go ang mga batas para sa kapakanan ng mga atleta. Kamakailan sinuportahan ng senador ang pagtatayo ng Philippine Sports Training Center sa Bataan.
Ani Go, sa pamamagitan ng National Academy of Sports, matutulungan ang mga national athlete ng bansa.
Noong June 2020, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang RA No. 11470 na nagtatatag sa NAS kung saan si Go ang isa sa mga pangunahing author at co-sponsor.