MMDA, nagsagawa ng cleanup operations sa Manila Bay

MMDA photo

Pinangunahan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Benhur Abalos ang ikinasang cleanup operations sa Manila Bay, Lunes ng umaga (July 26).

Kasunod ito ng pagkaipon ng mga basura sa Manila Bay bunsod ng naranasang malakas na ulan sa nakalipas na mga araw dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.

Nasa 70 personnel mula sa MMDA Metro Parkways Clearing Group ang nai-deploy sa paglilinis ng Manila Bay.

Ayon kay Abalos, dalawang truck o 40 cubic meters ng basura ang nakolekta sa nasabing lugar sa araw ng Linggo, July 25.

Ilan sa mga nakuhang basura sa baybayin ay plastic na bote, styrofoam at iba pa.

“Plastics are the most common trash found in Manila Bay. Undisputedly, it negatively affects the environment,” saad ni Abalos.

Dahil dito, umapela si Abalos sa publiko na iwasan ang pagtatapon ng kalat at basura kung saan-saan.

“Let us start a move right now. Behavioral change among Filipinos is key to address plastic waste problem in Manila Bay,” sabi ni Abalos at aniya pa, “Stop the habit of indiscriminate dumping not only in Manila Bay, but also on different waterways in the metropolis.”

Nagpasalamat naman ang MMDA chief sa mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources at Manila City government para sa isinagawang clean-up initiatives sa Manila Bay.

Samantala, nakipag-ugnayan si Abalos sa Department of Interior and Local Government (DILG) para humingi ng tulong sa Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang mga indibiduwal na magtatapon ng basura sa Manila Bay.

“I’ve already talked to DILG Secretary Eduardo Año on this matter. Those apprehended would be obliged to clean Manila Bay,” ani Abalos.

Read more...