PNP, handang tumulong sa paghahanap ng mas ligtas na COVID-19 vaccination sites
Handa ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sa paghahanap ng mga lugar upang magsilbing temporary vaccine centers kasabay ng panahon ng Habagat.
Ito ay matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na mag-isip ng paraan kung paano maiiwasan ang paghihintay sa pila ng mga tao sa mga bahang lugar para makakuha ng bakuna kontra COVID-19.
Nagbaba ng direktiba si PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar sa lahat ng police office at unit na makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal para matukoy ang kinakailangang tulong sa paghananap ng mas ligtas na vaccination sites.
“I have already directed all police commanders, especially in flood-prone and landslide-prone areas, to coordinate with the LGUs and the local Office of Civil Defense officials to help identify and secure alternative vaccination sites in their respective areas of responsibility,” pahayag nito.
Dagdag ng hepe ng PNP, “Nasa panahon tayo ng mga bagyo at iba pang kalamidad kaya inaasahan natin ang mga insidente ng pagbaha at landslides sa mga susunod na buwan kaya dapat lang na paghandaan natin ito bilang tugon sa kautusan ng ating Pangulong Duterte.”
Naunang inihayag ni Eleazar na handa ang pambansang pulisya na i-convert ang ilan nilang kampo bilang vaccination sites.
Ngunit, ibinahagi nito ang isa sa kanilang naobserba sa pagbisita sa mga bakwit sa Batangas kung saan isinagawa ang pagbabakuna sa mga itinalagang evacuation center.
“Isa din sa mga hakbang na tinitingnan natin ay yung nakita ko sa Batangas nung ako ay bumisita sa mga Taal evacuees doon kung saan ang vaccination ay isinasagawa sa mga evacuation centers mismo. Ang ganitong istratehiya ng lokal na pamahalaan ng Batangas ay pinangunahan din naman ng ating Health Secretary Francisco Duque,” saad ni Eleazar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.