Ipakakalat ang mahigit 15,000 pulis upang matiyak na magiging maayos ang seguridad sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar, matagal na nilang pinaghandaan ang SONA, at maging ang mga last minute coordination kasama ang mga lokal na pamahalaan at ilang grupo.
Nagsagawa ng security inspection ang hepe ng pambansang pulisya sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, Lunes ng umaga (July 26).
Nangako aniya ang mga grupo na magsasagawa ng kilos-protesta na tatalima sila sa health protocols sa kasagsagan ng kanilang programa.
Pinayagan ang mga raliyista na makapagsagawa ng programa sa UP compound, CHR compound at NHA at magmamartsa sa Commonwealth Avenue hanggang Tandang Sora.
Samantala, sinabi ni Eleazar na legasiya ng Pangulo ang pagdoble ang sweldo ng mga pulis at pagpapabuti ng kanilang kagamitan.
Bumuti rin aniya ang crime clearance efficiency at crime solution efficiency sa nakalipas na limang taon.