Pangulong Duterte ‘ibinagsak’ ng grupo ng mga estudyante
Bagsak na grado ang ibinigay ng isang grupo ng mga estudyante kay Pangulong Duterte kaugnay sa pagtugon sa mga pangangailangan sa sektor ng edukasyon kasabay ng pagharap sa pandemya.
Idinahilan ng National Union of Students (NUSP) ang mahinang paghahanda sa pagkasa ng distance teaching and learning program kayat kuwestiyonable ang kalidad ng edukasyon na natanggap ng mga bata at kabataang mag-aaral.
“Dito ipinapakita kung gaano ka-hindi handa ang administrasyon ni Duterte sa edukasyon. Hindi na nga nakahanda sa tugon sa pandemya, nag-domino effect na [rin] sa edukasyon, trabaho, kawalan ng ayuda,” sabi ni Jandeil Roperos, ang national president ng NUSP.
Binanggit nito ang resulta ng survey ng Movement for Safe, Equitable, Quality and Relevant Education, kung saan kalahati ng mga guro ang nagsabi na hindi talaga nakakatulong ang self-learning modules.
Sa survey din, apat sa bawat 10 estudyante ang nagsabi na may mga mali sa naibigay sa kanilang modules.
Malaking isyu din aniya sa mga guro at estudyante ang internet connection sa usapin naman ng online learning.
“Yung teachers din natin sinasabi na nahihirapan din talaga silang magturo lalo na sa online classes dahil sila rin mismo ay apektado sa kawalan ng gadgets, kahirapan ng Internet connection lalo na sa rural areas,” sabi pa ni Roperos.
Higit kalahati din sa mga guro ang sumagot na nabigo ang DepEd na ibigay sa kanila ang lahat ng kanilang pangangailangan sa pagkasa ng distance learning.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.