Nawawalang pondo para sa health workers sa Quezon Province, dapat imbestigahan
July 23, 2021 - 04:39 PM
Paiimbestigahan ng isang civil society group ang kasalukuyang problema ng mga health workers sa lalawigan ng Quezon bunga ng pagkawala ng pondong pangsweldo at pambili ng mga medical equipment para sa paglaban sa COVID-19 infection sa probinsya.
Ayon sa Quezon Rise Movement (QRM) co-convenor Lani Santos, halos wala na sa oras ang pagkain ng mga health workers bunga ng di pagbibigay suporta sa kanila ng pamahalaang panlalawigan.
Nanawagan si Santos sa Malakanyang lalo na sa Presidential Anti-Crime Commission sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte at kay DILG Secretary Eduardo Ano na agarang imbestigahan ang nasabing usapin bago pa lumala ng husto ang bilang ng mga namamatay at nagkakasakit dulot ng COVID-19 sa probinsya.
Sa kasalukuyang tala ng Department of Health, halos umabot na sa halos 700 kaso ng pagkamatay dulot ng COVID-19 sa lalawigan.
Pinakamataas naman ang bilang ng nagkakasakit sa Quezon kumpara sa ibang lalawigan sa CALABARZON, ayon sa health department.
Nasa ilalim ngayon ng isang re-enacted budget ang lalawigan makaraang matuklasan ng provincial board ang mga diumano’y kwestyonableng proyektong isiningit sa annual budget proposal na di tugma sa annual investment plan ng probinsya.
Mahigit 76 milyong piso ang inilaan ng provincial government sa pasuweldo mula sa pangkalatang budget na 655 million pesos ng Quezon province.
Sinabi naman ni Board Member Sonny Ubana, majority floor leader, natuklasan ng walong miyembro ng provincial board na di tumutugma ang panukalang budget sa pangakong layunin ni Quezon governor Danilo “Danny” Suarez na pagtutuunan ng pamahalaang panlalawigan ang pagtulong sa mga mamamayan laban sa COVID-19.
Para sa mga board members, mas maigi na paglaanan nila ng atensyon ang laban sa COVID-19, alinsunod na rin sa direktiba ng Pangulong Duterte.
Walong board members ang di sumang-ayon sa panukalang pondo ni Suarez samantalang lima lamang ang nais itong ipasa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.