Mga magsasaka sa Koronadal, hindi aalis hangga’t walang bigas

 

Mula sa inquirer.net/Emily Daban

Nangako ang nasa 500 mga magsasaka na apektado ng matinding tagtuyot na hindi nila iiwan ang pagpipiket sa lansangan na nag-uugnay sa Sultan Kudarat at South Cotabato sa Koronadal City.

Ito ay hangga’t hindi ibinibigay sa kanilang ang tulong na rice subsidy ng gobyerno para sa mga naapektuhan ng matinding El Niño.

Byernes pa nagsimulang magtipun-tipon ang mga magsasaka sa lugar upang iparating sa kinauukulan ang kanilang suliranin.

Hiling ng mga magsasaka, ipamigay ng Department of Agriculture ang nasa 60,000 sako ng bigas sa mga komunidad sa South Cotabato, North Cotabato, Sultan Kudarat at Sarangani na matinding naapektuhan ng tagtuyot.

Ayon kay Domingo Azures, lider ng grupong Anakpawis, ang mga magsasaka ang siyang naghihirap sa pagsasaka ng palay at bigas sa mga lalawigan ngunit sila ngayon ang mismong nanghihingi ng bigas para mabuhay.

Kung ibibigay anila ng pamahalan ang hinihingi nilang bigas, agad din silang aalis at uuwi muli sa kanilang mga tahanan.

Umaapela naman si South Cotabato Governor Daisy Fuentes sa mga magsasaka na ipanatiling tahimik ang piket ng mga magsasaka.

Agad namang nakipag-usap si Koronadal City Mayor Peter Miguel Jr. sa mga magsasaka at nangakong ipaparating sa national government ang kanilang hinaing.

Matatandaang noong April 1, nagkagulo sa dispersal ng mga magsasaka sa Kidapawan City, North Cotabato na ikinasawi ng 3 magsasaka at ikinasugat ng maraming iba pa.

Read more...