Dagdag suporta sa mga atletang Filipino sa 2020 Tokyo Olympics tiniyak ni Sen. Bong Go
Tatanggap ng karagdagang allowance ang mga atletang Filipino na sasabak sa 2020 Tokyo Olympics sa Japan.
Ito ang sinabi ni Sen. Christopher Go at aniya pinagbigyan ng Office of the President ang hiling ng Philippine Sports Commission (PSC) na mabigyan pa ng karagdagang allowance ang Filipino Olympians.
“Nagpapasalamat po tayo sa mahal na Pangulo, sa Office of the President, dahil inaprubahan nila ang ating apela na dagdagan ang allowances ng ating mga atleta na lalahok sa Tokyo Olympics and Paralympics,” sabi ng namumuno sa Senate Committee on Sports.
Nabatid na inirekomenda ni Go sa Malakanyang na bigyan pa ng karagdagang P100,000 ang mga atleta ng bansa na makikipagtagisan sa Olympics.
May 19 Filipino Olympians ang sasabak sa Olympics na magsisimula ngayon araw at tatagal hanggang sa Setyembre 8, bukod pa sa limang Filipino Paralympians na nag-qualify sa Paralympics sa Agosto 24 hanggang Setyembre 5.
Dagdag pa ng senador hihilingin niya kay Pangulong Duterte na dagdagan ang ibibigay na insentibo sa Filipino Olympians na mag-uuwi ng medalya.
Base sa RA 10699, P2 million hanggang P10 million ang tatanggapin ng mga atletang Filipino na mananalo ng medalya sa Olympics.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.