Nananatili pa rin sa mga evacuation centers ang higit sa 1,100 pamilya na lumikas dahil sa banta ng pagsabog ng Bulkang Taal, ayon sa Department of Social Welfare and Development.
Base sa datos mula sa Disaster Response Operations, Monitoring and Information Center (DROMIC) ng DSWD, hanggang kagabi, kabuuang 1,113 pamilya na may katumbas na 3,834 indibiduwal ang nasa 23 evacuation centers sa ibat-ibang bayan sa Batangas.
Samantala, lumubo pa sa 6,100 pamilya o 22,036 indibiduwal naman ang apektado ng halos isang buwan nang pag-aalburuto ng nabanggit na bulkan.
Nabigyan naman na ng DSWD, mga lokal na pamahalaan at non-government organisations (NGOs) ng P16 milyong halaga ng tulong ang mga apektadong pamilya.
Nagpapatuloy din ang koordinasyon ng DSWD sa LGUs sa monitoring ng sitwasyon at pagbibigay-tulong sa mga apektado.