Simula sa katapusan ng Setyembre ngayong taon ay maisasakatuparan na ang pagkakaroon ng permanenteng mobile number.
Ayon kay Sherwin Gatchalian, dalawang taon atapos maisabatas ang Mobile Number Portability Act (MNPA) ay nakumpleto na ng tatlong malalaking telecommunications companies ang initial testing para sa kanilang technical capabilities at interoperability.
Nangko aniya ang tatlong telco na pagsapit ng September 30 ay maipatutupad na ang mobile number portability services.
Sa ilalim nito, ang mga mobile phone subscribers na magpapasyang magpalit o lumipat sa ibang network ay hindi na kailangang magbago ng cellphone numbers.
Ani Gatchalian, abala din kasi ang pagpapalit pa ng numero lalo na kung matagal nang gamit ng subscribers.
“Malaking kaginhawaan ito lalo na sa mga gustong magpalit ng service provider para sa mas maayos na serbisyo pero ayaw bitawan ang kanilang mobile subscriber number. Malaking abala para sa iba ang pagpapalit ng kanilang numero lalo na kung matagal na nilang gamit ito,” ayon kay Gatchalian.
Si Gatchalian ang principal author at sponsor of Republic Act 11202 o Mobile Number Portability Act (MNPA).
Kamakailan ay nanawagan si Gatchalian sa mga telco bunsod ng nabibinbing implementasyon ng MNPA.
Sa ilalim kasi ng batas, dapat noon pang January 2020 ay naipatupad na ito matapos maipalabas ang implementing rules and regulations noong June 2019.
Babala ni Gatchalian sa mga telco, maari silang mapatawan ng multa na P1 milyon at maaring mabawi ang kanilang prangkisa kapag nabigo silang makatugon sa portability law.