Hiningi ni Senator Christopher Go ang kooperasyon ng bawat mamamayan para hindi matulad ang Pilipinas sa Indonesia, na hirap ang sitwasyon sa kasalukuyan dahil sa Delta variant ng 2019 coronavirus.
Aniya kailangan ay makinig ang lahat sa sinasabi ng mga eksperto na ang Delta variant ay mas mapanganib at mabilis maihawa.
“Itong Delta variant, delikado po talaga ito. Since meron na pong local cases, ‘wag na nating hintayin na magkaroon ng local transmission. Posible po ang local transmission kasi local cases meron pong nahawa. Ayaw natin mangyari na magiging out of control na po tulad ng nangyari sa Indonesia,” babala ng senador.
Umapila si Go ng disiplina at pakikiisa sa lahat sa palaging pagsunod sa health and safety protocols kahit ano pang quarantine status ang umiiral.
Aniya sa bagsik ng Delta variant hindi maaring maging kumpiyansa kahit fully vaccinated na.
“Bagama’t bakunado na kayo, ‘di ibig sabihin pwede na kayong hindi sumunod sa mga health protocol dahil maaaring ang katabi n’yo ay hindi pa nababakunahan at maaaring sila po ang mahawaan ng Delta variant at ‘di na natin ma-kontrol,” sabi pa nito.
Diin niya mahirap nang magbalik pa muli sa enhanced community quarantine tulad noong Marso at Abril dahil ekonomiya ng bansa ang unang tinatamaan.
Jan.Rady