Mayor Isko Moreno nagpasalamat sa Amerika sa donasyon na Janssen COVID-19 vaccines
Nagpasalamat si Manila Mayor Isko Moreno sa pamahalaan ng Amerika dahil sa 3.2 milyong doses ng Johnson & Johnson’s Janssen single dose COVID-19 vaccines na donasyon sa Pilipinas.
Ayon kay Mayor Isko, nakatanggap ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng 18,800 doses ng Janssen vaccines.
Ayon kay Mayor Isko, agad niyang inilaan ang mga bakuna para sa mga senior citizens.
“Salamat po sa US government dahil ang Manila po ay nagkamit ng Johnson & Johnson vaccines. Ito ay itinuturok natin sa ating mga senior citizens. Malaking bagay po ito kasi kapag binakuna sa inyo Janssen ito ay isang bakuna lang,” pahayag ni Mayor Isko.
Nabatid na ang 3.2 milyong doses ng Janssen vaccines ay nagkakahalaga ng P1.38 bilyon 0 $27.5 milyon.
Ibinigay ng Amerika ang mga bakuna sa pamamagitan ng COVAX Facility.
Ayon kay Mayor Isko, malaking tulong ang Janssen vaccines lalo’t malaking banta na rin ngayon ang Delta variant.
“Mga lolo’t lola ko, nanay at tatay ko, delikado po ang Delta. Pero huwag na po kayong mangamba.” pahayag ni Mayor Isko.
Ang Johnson & Johnson’s Janssen ang ikaanim na brand ng bakuna na inaprubahan ng Pilipinas na gamitin sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.