Health workers nagreklamo sa kakulangan ng pondo sa Quezon

Quezon Province map

Inirereklamo ng health workers ang pagkakaroon ng delay sa kanilang sweldo at medical equipment para sa gitna ng paglaban sa COVID-19 virus sa lalawigan ng Quezon.

Sa kabila ito pagkakaroon ng sapat na pondo para sa sweldo sa mga empleyado ng kapitolyo simula pa taong 2020.

Ayon kay Sonny Ubana, board member at Majority Floor leader ng Sangguniang Panlalawigan sa nasabing probinsya, naglaan si Quezon Governor Danny Suarez ng mahigit P75.5 milyong pondo para sa sweldo at mga benepisyo ng mga empleyado ng lalawigan.

Mas mababa ito nang bahagya sa ginastos na P102 milyon noong 2019.

Ang pondo para sa sweldo at pangangailangan ng probinsya ay patuloy na naibibigay sa mga mamamayan sa kabila ng hindi pagpasa ng budget para sa 2021.

May kabuuang P655 milyong pondo ang pamahalaang panlalawigan sa ilalim ni Suarez.

Ayon kay Ubana, hindi pumayag ang Sanggunian na ipasa ang 2021 budget matapos mapag-alamang may mahigit P200 hanggang P300 milyong kwestyunableng budget items sa panukalang pondo ng gobernador na wala sa Annual Investment Plan (AIP) na ipinasa ng lalawigan.

Kailangang tugma ang AIP na dumaan sa masusing pag-aaral ng provincial board at tanggapan ng gobernador at ang panukalang badget.

Ani Ubana, sa pondo na nais ipasa ni Suarez, binawasan ng gobernador ang budget para sa mga pampublikong ospital ng mahigit 20 porsyento at inilipat sa road works, pagpapagawa ng basketball courts at iba pang imprakstura.

Para sa mga miyembro ng provincial board, ito ay paglabag at hindi sang-ayon sa pampublikong pahayag ni Suarez na maglalaan ng atensyon ang panlalawigang pamahalaan sa paglaban sa COVID-19.

Sinunod din ng provincial board ang direktiba ng Department of Interior and Local Governments (DILG) na kailangang detalyado ang paglalaaanan ng pondo ng lalawigan at malinaw itong napag-aralan at nabusisi.

Sa ngayon, palaisipan kung bakit hindi nakatatanggap ng karapatang sweldo at suportang pinansyal ang health workers at frontliners sa kampanya laban sa COVID-19.

Read more...