Karagdagang 6,560 ang tinamaan ng COVID 19 sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).
Bunga nito, lumubo sa 1,524,449 ang bilang ng naitatalang kaso sa bansa at 3.1 porsiyento o may katumbas na 47,996 ang aktibong kaso.
Ang naitalang karagdagang kaso ay pagpapakita ng pagtaas ng 1.190 sa active cases kumpara sa naitala kahapon na 46,806.
May 5,365 karagdagang gumaling para sa kabuuang 1,449,579, samantalang 32 naman ang nadagdagan sa mga nasawi para sa kabuuang 26,874.
Kasabay nito, pinuna ng OCTA Research ang pagtaas ng bilang ng mga naitatalang COVID 19 cases sa Metro Manila, kung saan ang reproduction rate ay naitala sa 1.08 porsiyento.
Samantala, inatasan na ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga lokal na pamahalaan na gumawa ng istratehiya bilang paghahanda sa maaring pagkalat ng Delta variant ng 2019 coronavirus.