Hiningi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang paliwanag sa ‘pagbuhay’ sa Motor Vehicle Inspection scheme matapos na rin suspindihin ito ng Malakanyang.
Dapat aniya na maipaliwanag sa mga motorista ang bagong kautusan na inilabas ng Land Transportation Office (LTO) ukol sa ‘mandatory’ na pagdaan ng mga pribadong sasakyan sa Private Motor Vehicle Inspection Center.
“Ang pakiusap lang po natin sa ating mga kaibigan sa LTO at DOTR ay ipaliwanag ang pangangailangan nito at ipakita ang legal na batayan kung bakit binuhay nila ang ganitong programa,” diin ni Recto.
Dapat din aniya ipakita ng LTO kung paano isasagawa ang inspection at hindi dapat ito magresulta sa mahabang pila at pagkasayang ng panahon ng mga motorista.
Giit pa ni Recto kailangan din na mapatunayan na sapat ang pasilidad ng LTO para sa inspeksyon at hindi na kailangan pang bumiyahe ng malayo ang motorista patungo sa pinakamalapit na pribadong inspection center.
Kailangan din aniya tukuyin ng LTO kung sakop ng inspeksyon at kung magkano ang gagastusin ng may-ari ng sasakyan.