Sen. Leila de Lima, sasabak sa senatorial race sa 2022 elections; siningil si Pangulong Duterte

By Jan Escosio July 21, 2021 - 11:18 AM

 

 

Kinumpirma na ni Senator Leila de Lima ang pagsabak niya sa 2022 elections at nais niyang mabigyan muli ng anim na taon na termino sa Senado.

 

Sinabi niya na pinatibay lang ng patuloy na panggigipit sa kanya ng administrasyong-Duterte ang kanyang kagustuhan na ipagpatuloy ang paglaban sa kanyang mga adbokasiya, kasama na ang pagtatanggol sa karapatang-pantao at kawalan ng hustisya.

 

“Mahigit ng apat na taon mon a akong ipinakulong para maitago ang iyong pagka-inutil, bukod pa sa paghihiganti mo sa akin. Mahigit na apat na taon na ipinagkait mo sa akin, sa aking pamilya at sa labing-apat na milyon na bumuto sa akin. Mahigit na apat na taon na akin ngayon sisingil sa pagtatapos ng iyong termino,” ang mensahe ni de Lima kay Pangulong Duterte.

 

Dagdag pa nito; “sisingilin ka naming sa anim na taon na pambabalasubas mo sa aming bansa.”

 

Itutuloy lang din niya aniya ang kanyang mga pagpuna sa mga maling gawain ng administrasyong-Duterte, kasama na ang mga pangako na hindi natupad lalo na ang pagsugpo sa droga sa bansa.

 

Diin ni de Lima, nagresulta lang sa pagkamatay ng libo-libo ang ‘war on drugs’ ni Pangulong Duterte.

 

“Pagkatapos ng limang taon, at libo-libong mahihirap na iyong pinapatay, wala kang maipakitang resulta. Talamak pa rin ang droga. Sa katunayan, hanggang ngayon may mga nahuhuli pa rin sa iyong mismong siyudad ng Davao, kung saan dapat pagkatapos ng ilang dekada ng paghahari ng iyong pamilya ay wala nang suliranin sa droga,” diin pa ng senadora.

 

Bukod diyan ay pinuna din ni de Lima ang mga extra-judicial killings (EJKs) at ang korapsyon sa bansa, bukod sa lumubong utang ng Pilipinas na dapat din aniya maipaliwanag kung saan napunta.

 

At sa kabila ng kanyang pagkakakulong, nakapaghain si de Lima ng higit 500 panukalang batas at resolusyon. Ilan lang din sa mga iniakda niyang panukala na naging batas ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act, Magna Carta of the Poor Act, Community-Based Monitoring System Act at ang National Commission for Senior Citizens Act.

 

“Tatakbo akong muli. Hindi ako susuko. Tuloy ang laban!” ang diiin ni de Lima.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.