Canada PM Trudeau kinumpirma, kinondena ang pagpatay sa Canadian hostage

 

Kinumpirma ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang pagpatay ng bandidong Abu Sayyaf Group sa isa sa dayuhang bihag ng mga ito.

Ayon kay Trudeau, pinatay na ng mga bandidong grupo ang bihag na si John Ridsdel, isa sa tatlong dayuhan na dinukot ng mga bandidong grupo mula sa isang resort sa Samal Island noong nakaraang taon.

Kasama ni Ridsdel ang kapwa nito Canadian na si Robert Hall,  Norwegian na si  Kjartan Sekkingstad  at Pinay na si Marites Flor na binihag ng mga armadong Abu Sayyaf sa Holiday resort  sa Island Garden City of Samal noong September 21, 2015.

Ayon kay Trudeau kagalit-galit ang naturang balita na isa nilang kababayan ang biktima ng karahasan.

Ito aniya ay isang uri ng ‘cold-blooded’ murder.

“This was an act of cold-blooded murder, and responsibility rests squarely with the terrorist group who took him hostage,” giit ni Trudeau.

Nangako rin si Trudeau na na makikipagtulungan sa pamahalaan ng Pilipinas upang agad na maiharap sa batas ang mga pasimuno ng karumal-dumal na krimen.

Nagpahatid na rin ito ng pakikiramay sa pamilya at kaibigan ng pinatay na Canadian.

Una rito, isang pugot na ulo ang natagpuan ng mga residente ng Barangay Walled City, sa Jolo, Suluang natagpuan Lunes ng gabi.

Sa paunang ulat, isa umano itong ulo ng ‘caucasian-looking’ na biktima kaya’t lumutang ang balita na pinugutan na ng ulo ng bandidong grupo ang isa sa kanilang bihag.

Isa namang source ang nagsabing ang biktima ay ang Norwegian na hawak ng ASG na pinugutan ng ulo ng bandidong grupo matapos mabigo ang mga ito na makatanggap ng kanilang hinihinging ransom na P300 milyon bawat isang hostage.

 

Read more...