21 pasahero ng lumubog na bangka, inasistihan ng PCG
Inasistihan ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Cavite ang 21 pasahero na sakay ng lumubog na bangka sa karagatang sakop ng Corregidor Island noong July 16, 2021.
Ayon sa PCG, nai-report ng isang concerned citizen ang distressed situation ng MBCA LADY TRICIA na inasistihan ng fishing banca na YUMINISA.
Agad nag-deploy ang PCG Station Cavite ng response team para sa dalhin ang mga kinakailangang tulong patungo sa Barangay Amaya 7 sa Tanza, Cavite.
Pagdating sa nasabing lugar, sinuri ng PCG response team ang lagay ng kalusugan ng lahat ng nasagip na indibiduwal. Matapos ang health assessment, nagsagawa ang response team ng imbestigasyon ukol sa naturang insidente.
Matapos naman ang imbestigason, dinala ang mga nasagip na indibiduwal mula Amaya 7, Tanza patungong Barangay Wawa 2, Rosario para mabigyan ng karagdagang tulong.
Ayon sa may-ari at isa sa mga pasahero ng lumubog na bangka na si Delfin Mabesa, 37-anyos, umalis sila sa Barangay Wawa 2 sa bahagi ng Rosario papuntang Corregidor Island para mag-swimming.
Ngunit, nagkaproblema ang makina ng bangka at nakaranas ng malalaking alon dahilan upang lumubog ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.