Mahigpit na nakatutok ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagdating ng dalawang vessel na may sakay na 12 crew members na positibo sa COVID-19.
Ayon sa PCG, ito ay ang towing vessel, MT CLYDE, at barge CLAUDIA na nagmula sa Butuan City, Agusan del Norte at magtutungo sa Legazpi City, Albay.
Bandang 10:00, Linggo ng umaga (July 18), nakatanggap ang PCG Station Albay ng text message mula kay Captain Francisco Vargas ukol sa kanilang kondisyon at lokasyon sa karagatang sakop ng Western Samar.
Maayos aniya ang kalagayan ng 19 crew members, kabilang siya, ngunit 12 rito ang kumpirmadong positibo sa nakakahawang sakit na asymptomatic cases.
Subalit, isa sa kaniyang crew members na positibo sa COVID-19 ang bumaba sa Butuan City, kung kaya 11 COVID-19 positive individuals ang nakasakay pa sa barko.
Tiniyak naman ni Captain Vargas sa PCG Station Albay na hindi sila bababa ng barko nang walang proper authority.
Ani Captain Vargas, darating sila sa Lidong Port, Sto. Domingo, Albay dakong 03:00, Martes ng hapon (July 20).
Unang nagmula ang towing vessel, MT CLYDE at barge, CLAUDIA sa Indonesia at dumating ssa Port of Butuan sa Butuan City, Agusan del Norte noong July 14 at agad umabot sa sumunod na araw bandang 7:00 ng gabi.
Habang nasa nasabing pantalan, sumailalim sa RT-PCR tests ang mga crew member ngunit habang nasa biyahe na patungong Albay, doon lamang napagbigay-alam na 12 sa kanila ang COVID-19 positive.
Sa ngayon, tinututukan ng PCG Station Albay ang estado ng dalawang barko upang matiyak na hindi ito lilihis ng ruta at hindi makakababa ng barko nang walang proper authority.
Ipinag-utos na ni PCG Commandant, Admiral George Ursabia Jr. sa lahat ng Coast Guard districts at units sa buong bansa na bantayan ang lahat ng barko na may crew o pasahero na posibleng nagdadala ng Delta variant ng COVID-19.
Alinsunod sa nasabing kautusan, naghahanda na ang PCG Station Albay ng kanilang aksyon at nakikipag-ugnayan na sa Bicol IATF at kinauukulang ahensya ng gobyerno.