Philippine Coast Guard pinalayas ang isang Chinese Navy ship sa West Philippine Sea

By Jan Escosio July 19, 2021 - 12:03 PM

Itinaboy ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na sakay ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang isang Chinese Navy warship sa Mary Louise Bank, na 147 nautical miles ang layo mula sa baybay dagat ng El Nido, Palawan.

Nabatid na nangyari ang insidente noong Hulyo 13 nang mamataan ng PCG ang warship na may watawat ng China at markado ng Chinese characters.

Niradyohan ng PCG ang Chinese warship at ipinaalala na ito ay nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas, bago lumapit para maobserbahan ang aktibidad ng banyagang pandigmang-barko.

Nang gumalaw ang Chinese warship ay sinundan pa ito ng BRP-Cabra para matiyak na lalabas na ito ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Nabatid na niradyuhan din ng Chinese warship ang BRP-Cabra at pinagsabihan na lumayo ito ng dalawang nautical miles, ngunit hindi nagpatinag ang PCG at sinundan hanggang sa makalabas na ng tuluyan ng Marie Louise Bank.

Ayon sa PCG ang ginawa ng BRP – Cabra ay ayon sa PCG Manual on Rules on the Use of Force Within the Philippines EEZ.

Bago pa ito, noong Hunyo 30 pinalayas din ng BRP – Cabra ang limang Chinese ship at dalawang Vietnamese vessel sa Marie Louise Bank, gayundin kinamusta naman ang kalagayan ng mga mangingisdang Filipino na sakay ng F/B Xiroxira na mula sa San Jose, Occidental Mindoro.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.