DAR pinabilis ang proseso sa pag-isyu ng mga clearance para sa paglipat ng mga pribadong lupang agrikultural
Pinabilis at pina-simple ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pagkuha ng clearance para sa paglipat ng mga pribadong lupang pang-agrikultural
Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, binawasan na ang bilang ng mga araw ng pagproseso alinsunod sa ilang mga probisyon ng gobyerno na nangangailangan ng pagbabago ng mga umiiral na mga patakaran at patnubay sa paglilipat ng mga lupang agrikultura at upang umayon din sa bagong normal na dulot ng pandemyang Covid-19.
Kabilang na ang Republic Act No. 11032, o ang “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018” na sinusugan ang RA No. 9485 or the Anti-Red Tape Act ng 2007; Proclamation No. 922, Serye ng 2020, “Declaring a State of Public Emergency Throughout the Philippines,”; Proclamation No. 929, Serye ng 2020, “Declaring a State of Calamity throughout the Philippines due to Corona Virus Disease 2019 (Covid-19),”; at ang RA No. 11494, na mas kilala bilang “The Bayanihan Act II”.
Aniya, saklaw lamang ng Administrative Order ang mga transaksyon sa lupa na kinabibilangan ng mga pribadong lupang pang-agrikultura na walang notice of coverage (NOC).
“Sa ilalim ng Administrative Order na ito, hindi sakop ng Land Transfer Clearance (LTC) ang anumang lupain na nasaklaw na ng agrarian reform program, ng Presidential Decree (P.D.) No. 27, ng sinusugang RA Blg. 6657, at mga transaksyon sa lupa na may exemption/exclusion/conversion order na inisyu ng DAR, ” ani Castriciones.
Dagdag pa ng Kalihim, ang aplikante na maglilipat ng lupain at ang taong paglilipatan o ang kanyang kinatawan ay dapat mag-file ng aplikasyon o kahilingan para sa LTC sa DAR Provincial Office (DARPO) kung saan nakarehistro ang lupain sa Register of Deeds.
“Hindi tatanggapin ng DAR ang anumang aplikasyon o kahilingan na isinumite ng personal o sa pamamagitan ng e-mail kung hindi kumpleto ang lahat ng mga kinakailangang mga dokumento at katunayan ng pagbabayad sa aplikasyon base sa nakasaad sa ilalim ng Seksyon 10 na dapat ay isumite at i-attach,” aniya.
Sinabi ni Castriciones na ang electronic copy ng nasabing aplikasyon o kahilingan at mga annexes nito ay tatanggapin lamang sa isang Portable Document Format (PDF) form. Kasunod nito ay ang pagsusumite sa DAR ng hard o printed copy ng mga dokumento sa pamamagitan ng registered mail o personal, para sa pagpapatunay ng authenticity o katotohanan ng mga dokumento.
Ang mga aplikante ay maaari ring magpadala sa DARPO ng mga file, aplikasyon o kahilingan at mga kinakailangan dokumento sa isang portable storage device tulad ng USB flash drives, compact discs (CD), o digital versatile discs (DVDs) na may tamang markings o label ng nilalaman nito sa pamamagitan ng Postal Office o ng iba pang mga accredited courier.
Binigyang diin ni Castriciones na ang bayad na dalawang libong piso (Php 2,000.00) na filing fee sa bawat aplikasyon ay maaaring kolektahin ng DARPO cashier o sa pamamagitan ng on-line banking na idedeposito sa mga lokal na account ng Bureau of Treasury (BTr).
“Ang aplikante o sinumang taong naapektuhan ng LTC ay maaaring magsampa ng kaso ng Agrarian Law Implementation (ALI) sa opisina ng Regional Director alinsunod sa DAR AO No. 03, Serye ng 2017, ”ani Castriciones.
Dagdag pa ng opisyal, ang pinirmahan na LTC ng PARPO II ay mananatiling epektibo sa loob ng anim (6) na buwan pagkatapos ng paglabas nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.