Action speaks louder than words: Mayor Sara Duterte nangangampanya na

By Chona Yu July 17, 2021 - 12:44 PM
Walang ibang dahilan ang ginagawang pag-iikot ni Davao City Mayor Sara Duterte maliban sa pangangampanya, ayon sa grupong ACT Teachers. Ayon kay ACT Teacher Partylist Representative France Castro sa mga nakaraang araw ay patuloy na nakikipag-usap si Mayor Sara sa mga political leaders na malinaw na bahagi na ng kanyang pangangampanya. “Yung memorandum of agreement as sister city with Zamboanga City, bakit ngayon lang? Timing ba iyan para kunin ang suporta ng Zamboanga sa kandidatura niya? Yung pustura ni Mayor Sara ay pangangampanya na,” pahayag ni Castro. Hindi rin umano kapani-paniwala ang pahayag nina Zamboanga City Mayor Beng Climaco at Cebu City Governor Gwen Garcia na hindi napag-uusapan ang pulitika sa naging pagbisita sa kanila ni Mayor Sara. “Action speaks louder than words,” patutsada pa ni Castro. Sinabi ni Castro na may punto ang pasaring na ginawa ni Manila Mayor Isko Moreno kay Mayor Sara nang sabihin nitong dapat ay nasa lungsod nila ang mga alkalde para tugunan ang paglobo ng COVID-19 cases at hindi nag-iikot sa kung saang mga partido at pulitiko lalo at wala pang eleksyon. “Tama si Mayor Isko na dapat pokus at harapin muna ni Mayor Sara ang problema sa pandemya sa Davao,” giit pa ni Castro. Sa loob ng ilang araw ay naging abala si Mayor Sara sa pagbisita sa Cebu at Zamboanga habang nakipagpulong din ito kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng partidong Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas CMD). Sa pinakahuling OCTA Research List na may petsang July 12 ay nangunguna pa rin ang Davao City sa mga Local Government Units sa labas ng National Capital Region na may pinakamataas na COVID cases, lumitaw na 235 kada araw ang naitatalang kaso sa Davao habang umabot na sa 91% ang hospital Intensive care unit utilization rate. Kumpara sa Davao ay pababa na ang kaso sa ilang lalawigan, batay sa talaan ng Department of Health at OCTA Research ay nasa 110 ang kaso sa Iloilo, Bacolod (84), Cebu City (81), Cagayan de Oro (68), General Santos (67), Baguio City (58),  Tagum (44),  Lapu Lapu (39) at NCR (639). Simula buwan ng Mayo lumobo ang COVID cases sa Davao at noong Hunyo 17 naitala ang pinakamalaking COVID infection na nasa 482 sa loob ng isang araw kung saan naungusan pa nito ang Quezon City na mas malaki ang populasyon.

TAGS: 2022 national elections, ACT Teacher Partylist Representative France Castro, action speaks louder than words, Cebu City Governor Gwen Garcia, Davao City Mayor Sara Duterte, Zamboanga City Mayor Beng Climaco, 2022 national elections, ACT Teacher Partylist Representative France Castro, action speaks louder than words, Cebu City Governor Gwen Garcia, Davao City Mayor Sara Duterte, Zamboanga City Mayor Beng Climaco

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.