Ilang opisyal ng pamahalaan, PNP at AFP kinasuhan sa Kidapawan incident

kidapawan-dispersal2
Inquirer file photo

Ipinagharap na ng mga kasong kriminal sa hukuman ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan, Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa madugong dispersal sa Kidapawan City noong April 1.

Kabilang sa mga sinampahan ng kasong murder at frustrated murder ay sina Interior Sec. Mel Sarmiento, Agriculture Sec. Proseso Alcala, North Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Santos at PNP Chief Ricardo Marquez.

Kasama rin sa kaso ang ilan pang matataas na opisyal ng PNP sa Region 12, Cotabato at Kidapawan City sa pangunguna ni Regional Director Noel Armilla.

Sinabi ni Ebaro Dulang, ama ni Darwin Dulang na sadyang binaril ng mga pulis ang mga magsasakang nagrally sa Kidapawan City kung saan ay tinamaan ang kanyang anak ng bala sa noo.

Si Darwin ay kabilang sa dalawang namatay samantalang mahigit sa tatlumpung iba pa ang grabeng nasugatan nang sumiklab ang gulo sa panig ng mga tauhan ng pamahalaan at mga ralyista.

Sinabi rin ng mga complainants na nagpunta sila sa lugar para humingi ng tulong sa pamahalaan subalit bala ang iginanti sa kanila ng mga ito.

Ang iba pang mga kinasuhan ay sina Lt. Col. Birrey; Director Isagani Nerez, ground commander ng PNP Strike Force; Maj. Gen. Rafael Valencia, commander ng 10th Infantry Division; Col. Ronald Villanueva, 102nd Brigade Commander; Lt. Col. Arnold Argamosa, commander of the 39th Infantry Battalion; Fire Senior Inspector Noa Pacalda; Charlie Pasco, a certain Sgt. Obiano, SPO1 Boynel Lumdang, P01 Solon at  P02 Baldua.

Bukod sa kasong murder, nahaharap din ang mga respondents sa kasong paglabag sa Republic Act 9745 o  Anti-Torture Law, Republic Act 7438 na kilala rin bilang the Rights of Accused, Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act at Presidential Decree 1829 na kilala rin bilang The Law against Obstruction of Justice.

Read more...