Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na sa Setyembre 13 ang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagsisimula muli ng mga klase sa bansa ngayon taon.
Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones kabilang ang nabanggit na petsa sa mga ibinigay niyang opsyon kay Pangulong Duterte na maaring maging simula na School Year (SY) 2021 – 2022.
Aniya sa mga darating na araw ay ilalabas nila ang school calendar.
Ayon kay Briones umaasa sila na patuloy na makikiisa sa kanila ang lahat para sa paghahanda sa muling pagbibigay ng karagdagang karunungan sa mga bata at kabataang Filipino sa kabila ng nararanasang pandaigdigang pandemya.
Pinasalamatan din ni Briones si Pangulong Duterte sa patuloy na pagsuporta para sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon.