Hiniritan ni Senator Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na magsagawa na ng masinsinang assessmemnt sa ikinasang distance learning program.
Ayon kay Gatchalian opisyal ng nagtapos ang School Year 2020 – 2021 noong nakaraang Hulyo 10 at dapat ay paghandaan na ang muling pagsisimula ng mga klase.
Inihain ng senador ang Senate Resolution No. 739 para masuri ang kahandaan ng mga paaralan na makapagbigay ng de-kalidad na edukasyon sa School Year 2021 – 2022 sa pamamagitan ng face-to-face classes, distance learning o sa anumang alternatibong pamamaraan.
Ibinahagi ni Gatchalian na base sa resulta ng Pulse Asia survey sa hanay ng mga magulang, 46 porsiyento lang ang nagsabi na may natutuhan ang kanilang anak, 30 porsiyento ang sinabing hindi sila sigurado kung natuto o hindi ang kanilang anak at 25 porsiyento naman ang umaming walang natutuhan ang kanilang anak.
Banggit pa ng senador na lumabas din sa survey na lubos na ikinabahala ng mga magulang ay nahirapan ang kanilang mga anak sa pagsagot sa modules (53%), hirap na internet connection (43%), hirap na makapag-focus o katamaran ng bata (42%) at kakulangan sa kinakailangang gamit, gaya ng gadgets (36%).
“Mahalagang matuto tayo sa mga hamong kinakaharap natin sa distance learning upang maging mas maayos ang paghahatid natin ng edukasyon sa susunod na pasukan. Dapat patuloy rin ang paghahanda natin sakaling pahintulutan na ang pagkakaroon ng limited face-to-face classes,” sabi pa ng senador.
Pagdidiin pa ni Gatchalian mahalaga na matugunan na ang ‘education crisis,’ na hindi maitatanggi base sa mababang antas na nakuha ng mga mag-aaral sa pagsukat sa nakuha nilang karunungan.