Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar na walang security threat sa Metro Manila kasabay ng pagkakaaresto sa dalawang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Taguig City.
Binati ni Eleazar ang joint teams National Capital Region Police Office, Southern Police District, Taguig City Police, at Joint Task Force NCR sa pagkakahuli kina Taupik Galbun alyas “Pa Wahid” at Saik Galbun alyas “Pa Tanda” sa bahagi ng Sitio Imelda, Upper Bicutan noong July 10.
“Sa panig ng PNP, wala tayong nakikitang banta ng terorismo dito sa Metro Manila,” pahayag ni Eleazar.
Patuloy aniya ang imbestigasyon sa pagkakaaresto sa dalawa at inaalam pa ng mga imbestigador kung bakit nasa NCR ang mga suspek.
Patuloy din ang pagbabantay ng mga awtoridad kung malaman kung may mga kasabwat ang dalawang suspek sa Metro Manila at kung may plano silang gawing karahasan.
“Magkagayon man, nananatiling alerto ang ating kapulisan para masiguro ang kapayaan at kaayusan dito sa Kamaynilaan,” pagtitiyak ni Eleazar.
Hinikayat naman ng hepe ng pambansang pulisya ang publiko na agad i-report sakaling makakita ng mga kahina-hinala aktibidad sa kanilang lugar.