Baguio City gov’t, ipinatigil muna ang pagsasanay ng mga PNP, BFP, applicant
Pansamantalang ipinatigil ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang training ng mga aplikante sa Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.
Ito ay dahil sa hindi pagsunod ng mga trainee sa health protocols na itinakda ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Baguio City Mayor at contact tracing czar Benjamin Magalong na hindi lamang sa kanilang barracks, kundi maging sa mga classroom at sports activities lumalabag sa health protocols ang mga trainee.
Masyado aniyang nagpapakampante ang mga trainee at hindi na sumusunod sa physical distancing at hindi na nagsusuot ng mask pagkatapos ng kanilang sports activities.
Sinabi ni Magalong na hangga’t hindi niya nakikitang sumusunod o compliant ang mga trainee sa minimum health standards, hindi niya papayagang makapagsagawa pa sila ng training sa Baguio City.
Sa BFP aniya ay nagkaroon na ng transmission sa kanilang 130 trainees dahil sa paglabag sa minimum health standards.
Kaugnay nito, sinabi ni Magalong na kinausap na niya tungkol dito sina PNP Chief General Guillermo Eleazar at BFP Chief, Fire Director Jose Embang.
Mabilis naman aniyang umaksyon si Gen. Eleazar at nagbigay ito ng commitment na mahigpit silang susunod sa mga patakaran at nangakong kakasuhan sinuman sa mga trainee ang consistent violators o palaging lumalabag sa patakaran.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.