Tugade, pinuri ang ‘infra, financial performance’ at kontribusyon vs COVID-19 ng PPA

By Angellic Jordan July 13, 2021 - 09:36 PM

Photo grab from PPA Facebook video

Binati ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang Philippine Ports Authority (PPA), sa ilalim ng pamumuno ni General Manager Jay Santiago, sa mga hakbang para sa maayos na maritime transport interconnectivity sa bansa sa pamamagitan ng konstruksyon ng seaport projects.

“The Philippines is an archipelago. Kaya nga nagtayo ang DOTr at PPA ng maraming imprastruktura ay para magkaroon ng connectivity among the islands, mobility of the people, and eventually public convenience,” pahayag ng kalihim sa 47th Founding Anniversary ng PPA noong Lunes, July 12, 2021.

“It was a huge challenge. But, as we celebrate your 47th anniversary, masasabi kong kaya niyo, kinaya niyo, at ipinagmamalaki ko kayo,” saad ni Tugade.

Binanggit ng kalihim ang mga achievement ng PPA kabilang ang pagtatapos ng 451 port projects, habang patuloy pa ang konstruksyon ng 101 iba pa.

Binigyang diin ni Tugade ang isa sa maituturing na “iconic projects” ng PPA, ang Cagayan de Oro Port na pinakamalaking passenger terminal building at kayang makapagserbisyo ng 3,000 pasahero.

Ginagawa na rin ang dalawa pang passenger terminal buildings: isa sa Port of Calapan sa Oriental Mindoro at isa sa Port of Zamboanga.

Ayon kay Tugade, kayang makapag-accommodate ng Calapan Port PTB ng 3,000 pasahero habang 4,000 pasahero naman sa Zamboanga Port PTB.

Ibinida rin ng kalihim ang “sound financial management” at record-breaking dividend remittance ng PPA upang masuportahan ang vital transport infrastructure projects sa bansa at pagtulong sa COVID-19 response ng gobyerno.

Mula 2016 hanggang 2020, nakapag-turnover ang PPA ng kabuuang P17.39 bilyong dibidendo.

Sa nasabing dibidendo, P3 bilyon lamang ang kabuuang remittance mula 1986 hanggang 2015.

Nakapag-remit ang PPA ng P1 bilyon para sa Bayanihan to Heal as One Act noong 2020 habang noong May 2021 naman ay may dagdag na P221 milyon para sa National Treasury upang makatulong sa paglaban ng gobyerno sa COVID-19.

Matatandaang nakapagpatayo ang PPA ng quarantine facilities sa Eva Macapagal Super Terminal sa Pier 15 sa loob ng Manila South Harbor at sinundan ito ng isolation facility sa Port of Capinpin sa Orion, Bataan.

“Kung hindi dahil sa pamumuno ng kalihim at sa kanyang [Tugade] paggabay, hindi makakamtan ng PPA ang success na kanyang natatamasa lalung-lalo na ngayong 47th Founding Anniversary,” pahayag ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago.

TAGS: ArtTugade, DOTrPH, InquirerNews, JaySantiago, ppa, RadyoInquirerNews, ArtTugade, DOTrPH, InquirerNews, JaySantiago, ppa, RadyoInquirerNews

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.