Netizens na nag-download at upload ng “Comeleak,” mananagot – NBI
Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) sa lahat ng mga netizens na kumuha ng kopya ng nag-leak na data ng mga botante mula sa Commission on Elections (COMELEC).
Kamakailan lang ay lumabas ang website na “Pilipinas, We Have Your Data,” kung saan makikita ang mga personal na impormasyon ng mga botante tulad ng buong address, petsa at lugar ng kapanganakan at kung saan ito rehistrado.
Ayon kay NBI Dir. Vigilio Mendez, sinuman ang mahuli at mapatunayang nag-upload o nag-download ng kopya nito, at maari silang mapanagot sa batas.
Samantala, mariin namang itinanggi ng Palasyo ang kumalat na balitang isa sila sa uma-access at lalo pang nagkakalat ng nasabing data.
Mayroon kasing isang netizen na nag-post matapos aniya niyang makita na isa sa mga seeders ng impormasyon ng mga botante ay ang mismong Malacañang.
Ayon kay Presidential Communications Usec. Manuel Quezon III, posibleng isa itong kaso ng “malicious forgery” dahil nang siyasatin naman ang subdomain ng Malacañang na “mail.malacañang.gov.ph,” wala namang naitalang kahina-hinalang aktibidad.
Gayunman, hindi pa naman ito aniya ang huling report ng Office of the President-Management Information System tungkol dito, at papanagutin nila ang sinumang gumamit ng server ng Palasyo para i-download ang leaked data ng COMELEC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.