Maraming senador nais maimbestigahan ang paglaganap ng ‘troll farms’
Padami nang padami ang mga senador na nais maimbestigahan ng Senado ang paglaganap ng ‘troll farms,’ na sinasabing pinopondohan ng gobyerno.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, hindi dapat gamitin ang pera ng taumbayan para sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon, maging mga kabastusan ngayon nahaharap sa pandemya ang bansa.
Nanawagan naman si Sen. Joel Villanueva sa lahat ng mga partido-politikal sa bansa na hayagang kondehanin ang ‘troll farms’ at aniya kung meron man ay huwag na rin ituloy ang paggamit ng ‘trolls’ ngayon papalapit na ang eleksyon sa susunod na taon.
“Organized trolls are weapons of mass distraction. The seeds of falsehood they plant ripen into hate ready to be harvested by those who are harmed by the truth,” katuwiran ni Villanueva.
Naghain ng resolusyon si Sen. Francis Pangilinan na humihiling na maimbestigahan ng kinauukulang komite sa Senado ang mga diumanoy binabayaran ng gobyerno para magpakalat ng mga maling impormasyon.
Suportado nina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Minority Leader Franklin Drilon, at Sens, Nancy Binay, Leila de Lima, Richard Gordon, Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, at Grace Poe ang panukala, bukod pa kina Hontiveros at Villanueva.
“Filipinos should know why government spends public funds on troll farm operators disguised as ‘public relations practitioners’ and ‘social media consultants’ who sow fake news rather than on Covid-19 assistance, health care, food security, jobs protection, education, among others,” ang nakasaad sa resolusyon.
Sabi naman ni Pangilinan; “hindi natin pwedeng hayaang ginagamit ang pera ng taumbayan para manira at mang-harass ng mga taong pumupuna sa gobyerno. Masama ito sa demokrasya, lalo na sa papalapit na halalan sa susunod na taon.”
Una nang ibinunyag ni Lacson na may isang government undersecretary ang nagsimula nang mag-organisa ng ‘troll farms’ sa ibat-ibang bahagi ng bansa at target nila ang mga kumakalaban sa administrasyong-Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.