Ayon kay Transportation Undersecretary for Administrative Service Artemio Tuazon Jr., layon ng masusing inspeksyon bago ang LTO registration o renewal ng registration upang masigurong nananatiling roadworthy ang mga sasakyan.
“An unsafe vehicle on the road can kill and be as deadly as a vehicle driven by a drunk driver. A poorly maintained vehicle can experience mechanical failures that may end in a terrible road crash,” pahayag ni Tuazon, chairperson din ng Private Motor Vehicle Inspection Center Steering Commitee ng DOTr.
Base sa datos ng MMDA-TEC- Road Safety Unit MMARAS Annual Report 2019, umabot sa 121,771 ang kabuuang bilang ng napaulat na aksidente sa Metro Manila, kung saan nasa 334 ang average case kada araw
Sa nasabing bilang, 372 katao ang nasawi habang 20,466 ang nagtamo ng non-fatal injuries.
“We can prevent the unnecessary loss of lives and property on our roads just by making sure that vehicles are safe and roadworthy. A road crash can happen anytime. May pandemya man o wala, maaring mangyari ang isang road crash kung hundi tayo magiging maingat,” dagdag ni Tuazon.
Mayroong opsyon ang mga motorista at may-ari ng sasakyan na ipasuri ito sa awtorisadong private motor vehicle inspection center (PMVIC) o sa LTO.
Hindi aniya kailangang alalahanin ng mga motorista ang halaga ng inspeksyon sa PMVIC dahil pareho na ang halaga nito sa emission test na ginagawa ng private emission testing center (PETC).
Maliban sa emission testing na mandato sa ilalim ng Philippine Clean Air Act, sinabi rin nito na ang mga sasakyang sasailalim sa inspeksyon para sa roadworthiness sa PMVIC ay walang karagdagang bayad extra charge.
Paliwanag nito, kasama na ang emission test sa battery of safety and roadworthiness checks na gagawin ng PMVIC sa sasakyan.
“Ano ba ang pasakit sa taong bayan? Presyo? We addressed it already. Parehas na ang presyo ng PETC and PMVIC. Hindi ba mas pasakit sa bayan kung hindi roadworthy ang mga sasakyang tumatakbo sa kalsada?,” tanong nito.
Hinikayat ni Tuazon ang mga motorista na ipasuri ang mga sasakyan sa mga PMVIC upang hindi dumami ang pila sa mga branch ng LTO.
Maiiwasan aniya ang insidente ng korapsyon sa registration process dahil recorded ng video ang inspeksyon sa PMVIC at lahat ng tests result ay ipapadala sa main database ng LTO.