Anti-drug advocacy, dapat ipagpatuloy ng susunod na administrasyon – Rep. Torres

July 12, 2021 - 07:08 PM

ANTI-DRUG CAMPAIGN / SEPTEMBER 14, 2016
Pasig police arrests two drug subjects at Alley 3, ROTC Street, Barangay Rosario, Pasig City.
INQUIRER PHOTO / RICHARD A. REYES

Inihayag ni Ormoc City Rep. Lucy Torres-Gomez na dapat magkaroon ng malakas na anti-illegal drugs advocacy ang susunod na administrasyon upang tuluyan nang mahinto ang operasyon ng mga sindikato ng ilegal na droga.

Importante aniyang maituloy ang mga nasimulang kampanya ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para matiyak ang pang-matagalang epekto nito.

“Hindi natin maaaring isuko ang laban na pigilan ang paglago ng drugs industry dahil mababalewala ang lahat ng mga pinaghirapan ng ating kapulisan. Kailangan nating pahalagahan ang mga sakripisyo nila sa pamamagitan ng pagtuloy sa kanilang pangarap na drug-free Philippines,” saad nito.

Iginiit naman ng mambabatas na kailangang bawasan ang pananakot at karahasan na naging kaakibat ng kampanya.

Dapat aniyang masigurong napoprotektahan ang karapatang pantao, lalo ng mga inaakusahang indibidwal.

Binanggit pa ni Torres-Gomez ang karanasan ng Ormoc City, na dati’y tinatawag na drug capital sa Eastern Visayas bago ang kasalukuyang liderato.

Nang pumasok ang bagong administrasyon sa lungsod ng Ormoc taong 2016, ipinatupad ang no-nonsense anti-illegal drugs campaign.

Nagkaroon ng 110 barangay-police Anti-Drug Abuse Councils na nakikipag-ugnayan at nagpapatupad sa drug rehabilitation program ng city hall.

Nakapagsagawa ng kabuuang 58 buy-bust operations kung saan naaresto ang 64 drug dealers, pushers at users.

Maliban dito, ikinasa rin ang ‘Pulis Niyo Po sa Barangay’ program, para madagdagan ang police visibility sa mga barangay.

Dahil dito, kinilala na ang Ormoc City bilang safest city sa bansa noong 2018 at 2019 ng PNP crime research and analysis center.

Nananatiling drug-free ang naturang lungsod.

“Maaaring tingnan ng susunod na administrasyon kung paanong ang Ormoc City ay nabago mula sa pagiging notorious drug haven tungo sa drug-free metropolis,” ayon sa kongresista.

Aniya pa, “Kung mapananatili ng gobyerno ang anti-illegal drugs campain, makakaasa tayo na magkakaroon ng mas maraming rehabilitated cities kung saan mararamdaman ng mga residente na sila’y ligtas, kahit gabi na, dahil alam nilang wala nang drug addicts na gagawa sa kanila ng masama.”

TAGS: 18thCongress, InquirerNews, LucyTorresGomez, RadyoInquirerNews, 18thCongress, InquirerNews, LucyTorresGomez, RadyoInquirerNews

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.